Ang Alamat ng Niyog (The Legend of the Coconut)
Noong unang panahon sa bundok ng Cristobal ay may isang mabait na ina. Masipag at maalaga sa kanyang mga anak. Talagang napakabuti niya at mahal na mahal ang kanyang mga anak. Dahil sa sampu ang kanyang anak, talagang nahirapan siya sa pag-aaruga sa mga batang ito. Isang araw, nagkasakit ang ina at bigla na lamang namatay. Ang kaawa-awang mga bata ay nag-iyakan at ang sabi nila ay ganito: “ Sino na ang magpapakain sa amin?” tanong ng pinakamatandang anak.
“Sino na ang mag-aalaga sa amin?” tanong ng ikalawang anak. “ Sino na ang maglalaba ng ating damit?” tanong ng ikatlong bata.
Habang sila ay nag-iiyakan, may dumating na isang babae na di nila kilala. Siya’y maganda at maputi. “ Huwag na kayong umiyak” sabi niya. “ Di kayo pababayaan ng inyong ina. Ilibing ninyo siya at magbantay kayo sa kanyang libingan. Makikita ninyo na may tutubo roon na puno. Ang punong iyon ay pagkukunan ninyo ng makakain araw-araw. Biglang nawala ang maputi at magandang babae. Akala ng mga bata ay nananaginip lang sila.
Sumunod naman ang sampung mababait na mga bata. Pagkalibing sa ina nila, binantayan nila ang libingan araw at gabi at pagkatapos ng sandaling panahon ay may nakita na nga silang isang halaman na tumubo. Mabilis ang paglaki nito at kaagad naging isang mataas na puno. Nagtaka ang mga bata dahil sa taas ng puno at sa dami ng bunga nito.
“Marahil aakyatin ko na lamang itong puno.” sabi ng pinakamatanda at dali-dali siyang umakyat at pumitas ng bunga. “Mga ulo ninyo,” ang sigaw niyang babala sa itaas. “Ibabagsak ko ito at buksan ninyo.” Nang biyakin ng ikalawang anak ang bunga, nakita nilang may tubig ito.
“Naku! Ang puti at ang tamis ng tubig,” sabi nila. Tinikman nila ang laman at ang nasabi ay “Ang puti at kay sarap naman ng lasa ng bungang ito.” ang wika ng ikaapat na anak.
Naghulog pa ng maraming bunga ang batang umakyat sa itaas ng puno. Nagkainan at nag-inuman nakita nila na di sila magugutom pang muli. Ang bungang iyon ay kauna-unahang niyog dito sa daigdig. Iyan ang alamat ng niyog.
ALAMAT NG AMPALAYA (BITTER GOURD)
     Sa lupain ng sariwa ay naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay. Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis,si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay,si Sibuyas na may manipis na balat, at si patolan na may gaspang na kaakit-akit. Subalit may isan gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, sya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag.
     Sa araw araw na nagdaan walang ginawa si Amplaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito any nabuo ang isang maitim na balak.Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyan isinuot. Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Subalit walang lihim na hindi nabubunyag, nagtipon tipon ang lahat ng gulay na kanyang ninakawan at kanilang sinundan si ang gulay na may gandang kakaiba at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa isa ang mga katangian na dapat ay sila ang nagtataglay, at tumambad sa kanila si Ampalaya.Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain,sinumbong nila nag ginawang pagnanakaw ni Ampalya. Dahil dito ay nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha ni Ampalaya ay kanyang ibinalik dito at laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayarab sa ginawa niyang kasalanan, subalit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang anyo ni Ampalaya balat nya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan,maging ang mga ibat ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang dinulot nito, at ang kanyang kulay ay naging madilim.Mula noon ang luntiang gulay na si Ampalaya magpa hanggang ngayon ay hindi pa rin magustuhan dahil sa pait niyang lasa.
Moral Lesson: Maging kontento sa ano mang itsurang taglay. Huwag maging maiinggitin sa kapwa.


 Alamat ng Rosas
Noong araw ay may isang magandang dalagang nagngangalang “Rosa,” na balita sa kanyang angking kagandahan, kayumian, at kabaitan. Maraming nangangayupapa sa kanyang kagandahan. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya mapusuan.
Dahil ang gusto ni Rosa ay ang maglingkod sa Panginoon at sa pagtulong sa mga nangangailangan ng kanyang tulong. Ngunit si Cristobal, isang mahigpit niyang mangingibig, ay di makapapayag na di mapasakanya ang dalaga, at ito’y nagtangkang agawin si Rosa at dinala ito sa hardin.
Ngunit nananalangin si Rosa sa Panginoon at noon di’y siya’y naging bangkay. Sa takot ni Cristobal ay ibinaon niya ang dalaga sa bakuran nito at saka siya lumayo sa pook na iyon upang di na magbalik kailanman.
Mula noon ay hindi na nakita ng mga taga roon si Rosa. Sa halip, sa bakuran nito ay may isang halamang tumubo na may bulaklak ngunit paghawak sa tangkay nito ay mapapasigaw ka dahil sa talas ng tinik ng halamang hinahawakan. Dahil niloob ito ng Panginoon na gawing bulaklak si Rosa na ang tangkay ay may mga tinik na tagapangalaga rito upang di-pagnasaang pupulin lamang ng sinuman.
Alamat ng Saging
May isang prinsesang napakaganda; kaya ang tawag sa kanya ay Mariang Maganda. Ang kanyang tahanan ay malapit sa isang maliit na gubat; doo’y maraming magaganda’t mababangong halamang namumulaklak. Araw-araw, ay nagpapasyal ang prinsesa sa gubat na ito. Namimitas siya ng mga bulaklak na katangi-tangi ang ayos. Isang araw, sa kanyang pamamasyal, ay nakatagpo siya ng isang prinsipe. Magandang lalaki ang prinsipeng iyon. Nang makita ni Mariang Maganda ay nakaramdam siya agad ng kakatuwang damdamin. Ang prinsipe naman pala’y gayon din. Kaya agad silang nagkapalagayan at nagkahulihan ng loob.
Araw-araw ay namamasyal sila ng prinsipe, hanggang sa magtapat ng pag-ibig ang prinsipe. Palibhasa’y sadyang may inilalaan nang pagtingin ang prinsesa, hindi na ito nagpaumat-umat at tinanggap ang iniluluhog na pag-ibig ng prinsipe.
Isang hapon matapos silang mamasyal, nag-ulayaw ang dalawa sa lilim ng mabangong halamanan ng prinsesa.
“Mariang Maganda, kay ganda ng mga bulaklak mo, nguni’t ang mga bulaklak doon sa aming kaharian ay higit na magaganda at mababango; walang makakatulad dito sa inyo.”
“Bakit, saan ba ang inyong kaharian?”
“Doon sa dako roon na hindi maaaring marating ng mga taong may katawang-lupa.”
Ilan pang saglit at nagpaalam na ang prinsipe na malungkot na malungkot. Kaya napilitang magtanong si Mariang Maganda. “Mangyari’y…” at hindi na nakuhang magpaliwanag ang prinsipe.
“Mangyari’y ano? Ano ang dahilan?” ang tanong ng prinsesang punung-puno ng agam-agam.
“Dapat an akong umuwi sa amin, kung hindi, hindi na ako makababalik. Ibig ko sanang isama kita, nguni’t hindi maaari, hindi makapapasok doon ang tulad ninyo. Kaya paalam na irog.”
“Bumalik ka mamayang gabi, hihintayin kita sa halamanang ito. Babalik ka ha?”
“Sisikapin ko Mariang Maganda,” ang pangako ng prinsipe. Nang malapit ng maghatinggabi, dumating ang prinsipe. Sinalubong siya ng prinsesang naghihintay sa loob ng hardin. Nag-usap na naman sila ng nag-usap. Kung saan-saan nadako ang kanilang pag-uusap. Hawak-hawak ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe.
Kaginsa-ginsa’y biglang napatindig ang prinsipe. “Kailangang umalis na ako, Mariang Maganda. Maghahatinggabi na, kapag hindi ako lumisan ay hindi na ako makababalik sa amin. Diyan ka na subali’t tandaan mong ikaw rin ang aking iniibig,” at ginawaran ng halik ang mga talulot na labi ni Mariang Maganda.
Pinigilan ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe. Hindi niya mabatang lisanin siya ng kanyang minamahal. Sa kanilang paghahatakan, biglang nawala ang prinsipe at naiwan sa mga palad ng dalaga ang dalawa niyang kamay. Natakot ang prinsesa, kaya patakbong nagtungo sa isang dako ng kanyang halamanan at ibinaon ang mga kamay.
Ilang araw, pagkatapos ay may kakaibang halamang tumubo sa pinagbaunan niya. Malalapad ang mga dahon at walang sanga. Ilan pang araw pagkaraa’y nagbulaklak. Araw-araw, ay dinadalaw ng prinsesa ang kanyang halaman. Makaraan ang ilang araw, ang mga bulaklak ay napalitan ng mga bunga. Parang mga daliring nagkakaagapay. Iyon ang mga unang saging sa daigdig.
Alamat ng Butiki
Noong araw, sa isang liblib na nayon ay may mag-ina na naninirahan sa tabi ng kakahuyan.
Ang ina; si Aling Rosa ay isang relihiyosang babae. Palagi siyang nagdarasal, at sinanay din niya ang kanyang anak na lalaki na magdasal at mag-orasyon bago sumapit ang dilim.
Ang anak; si Juan ay isang mabuti at masunuring anak. Palagi niyang sinusunod ang utos ng kanyang ina tungkol sa pagdarasal. Bago dumilim, kahit saan sya naroon ay umuuwi siya upang samahan ang ina sa pag-oorasyon sa tapat ng kanilang bahay.
Maagang namatay ang asawa ni Aling Rosa, natutuwa naman siya at naging mabait ang kanyang anak na si Juan, na nakatuwang niya sa pagtatanim at paghahanap ng mga makakain.
Sa paglipas ng panahon, mabilis na tumanda si Aling Rosa, at si Juan naman ay naging isang makisig na binata.
Si Aling Rosa an nanatili na lamang sa bahay at palaging nagpapahinga, samantalang si Juan ay siyang naghahanap ng kanilang makakain sa araw-araw. At kahit mahina na si Aling Rosa ay hindi pa rin nila nakakalimutan ni Juan ang magdasal.
Minsan, habang si Juan ay nangunguha ng bungangkahoy sa gubat, isang babae ang kanyang nakilala; si Helena.
Si Helena ay lubhang kaaki-akit, kung kaya’t agad umibig dito si Juan. At dahil sa panunuyo ni Juan kay Helena, gabi na ito nang makauwi.
“O anak, ginabi ka yata ng uwi ngayon. Hindi mo na tuloy ako nasamahang mag-orasyon,” ang wika ni Aling Rosa sa anak.
“Pasensiya na po, Inay! Nahirapan ho kasi akong maghanap ng mga prutas sa gubat,” ang pagsisinungaling ni Juan.
Dumalas ang pagtatagpo ni Juan at Helena sa gubat. Nahulog ng husto ang damdamin ni Juan sa dalaga. Hangang minsan, nabigla si Juan sa sinabi ni Helena.
“Hanggang ngayon ay hindi ko pa nararamdaman na tunay ang pag-ibig mo sa akin, kaya nagpasya ako na ito na ang huli nating pagkikita.”
“Ngunit, bakit? Sabihin mo, paano ko mapapatunayan sa iyo na tunay ang aking pag-ibig. Sabihin mo at kahit ano ay gagawin ko,” ang pagsusumamo ni Juan.
“Maniniwala lamang ako sa pag-ibig mo, kung dadalhin mo sa akin ang puso ng iyong ina na nasa iyong mga palad!” ang matigas na wika ni Helena.
Hindi makapaniwala si Juan sa narinig. Malungkot itong umuwi dahil binigyan siya ng taning ni Helena. Kailangan niyang madala ang puso ni Aling Rosa bago maghatinggabi
Nang dumating si Juan sa kanilang bahay ay agad siyang niyaya ni Aling Rosa na mag-orasyon. Nagtungo ang mag-ina sa harap ng kanilang bahay. Ngunit habang nagdarasal iba ang nasa isip ni Juan. Naiisip niya ang pag-iibigan nila ni Helena. At bigla, hinugot ni Juan ang kanyang itak at inundayan si Aling Rosa sa likod. Bumagsak sa lupa ang ina ni Juan, at kahit nanghihina na ay nagsalita ito.
“Anak, bakit? Ngunit anupaman ang iyong dahilan ay napatawad na kita. Ngunit humingi ka ng tawad sa Diyos! Napakalaking kasalanan ang nagawa mo sa iyong sariling ina,” ang umiiyak na wika ni Aling Rosa.
“Dios ko po, Inay! Patawarin n’yo ako!” ang nagsisising nawika ni Juan na nagbalik sa katinuan ang isip. Umiyak nang husto si Juan lalo na nang pumanaw ang kanyang ina.
Kasabay niyon ay bigla na lamang nagbago ang anyo ni Juan. Siya ay naging isang maliit na hayop na may buntot. Si Juan ay naging isang butiki; ang kauna-unahang butiki sa daigdig.
Mula sa malayo, natanaw ni Juan si Helena na papalapit. Nasindak si Juan nang makita niyang si Helena ay naging isang napakapangit-pangit na engkanto. Humalakhak itong lumapit.
Sa takot, dagling gumapang si Juan papanhik ng bahay hanggang makarating sa kisame.
Nakita rin ni Juan ang engkanto, sa labis na katuwaan ay naging iba’t ibang uri ng kulisap at insekto, at naglaro sa paligid.
Agad na pinagkakain ng butiking si Juan ang mga kulisap na napagawi sa kanya. At dahil doon ay hindi na nakabalik sa dating anyo ang engkanto, at nagtago na lamang ito sa mga halamanan bilang kulisap.
Nagsisi ng husto si Juan ngunit huli na. At bilang pag-alala sa kanyang ina, sinasabing si Juan at ang sumunod pa niyang lahi ay patuloy na bumababa sa lupa bago dumilim upang mag-orasyon.
At haggang sa ngayon nga ay patuloy pa ring pinupuksa ng mga butiki ang mga kulisap na sa paniniwala nila ay mga engkanto.
Alamat ng Matsing
Sa mayamang kaharian, noong unang panahon, ay may isang prinsesang ubod ng ganda. Siya ai si Prinsesa Amapela na ang lahat ay humahanga sa taglay na kagandahan.
Ngunit sa likod ng kanyang kagandahan ay napakasamang ugali.Ang prinsesa ay ubod ng sungit at suplada. Napakataas ng pagtingin niya sa kanyang sarili.
“Ayoko sa mga taong pangit! Palayasin sila sa palasyo!” ang palding sigaw nito sa tuwing makakakita ng pangit sa palasyo.
Dahil sa prinsesa, ang lahat lamang ng magaganda ang nakakapasok at nakakapagtrabaho sa loob ng palasyo. At ang mga pangit ay itinaboy sa labas upang maging mga alipin at manggagawa.
Sa paglipas ng panahon, dumating ang takdang araw sa pagpili ni Prinsesa Amapela ng mapapangasawa. At naghanda nga ang kaharian.Inimbitahan ang maraming maharlikang tao buhat sa ibaaa’t ibang kaharian. Nagsidating din ang maraming makikisig na prinsipe, upang ang isa sa sa kanila ay ang siyang mapangasawa ng ng prinsesa.
Di nagtagal, nagsimjula ng mamilii si Prinsesa Amapela ng mapapangasawa. Ang lahat ng prrinsipe ay tumayo sa kanyang harapan at nagbigay-galang. Isa sa mga prinsipe ang nagustuhan ng prinsesa, at ito’y si Prinsipe Algori.
Si Prinsipe Algori ay isang napakasipag na prrinsipe, na animo Adonis na namumukod tangi sa lahat ng naroroon.Ngunit bago pa man napili ni Prinsesa Amapela ang makisig na prinsipe, ay may nakita siya na napakapangit-pangit na prinsipe na nakatayo sa likuran nito.
Hindi napigilan ng prinsesa ang sarili.
“Sino ka? Hindi ka nahiya saiyong sarili! Napakapangit mo! Lumayas ka rito at magbalik ka na sa kwebang pinanggalingan mo!” ang bulyaw nito. Nabigla ang lahat sa nasal ng prinsesa.
“Siya ang aking napili! Si Prinsipe Algori! Siya ang aking mapapangasawa,” ang agad na idinugtong nito sabay turo kay Prinsipe Algori.
Masayang lumapit si Prrinsipe Algori sa prinsesa at humalik sa kamay nito. Isa isa ng nag-alisan ang mga nabigong prinssipe, ngunit nanatiling nakatayo sa harapan ang pangit na prinsipe.
“Ano pa ang hinihintay mo! Lumayas ka na! Ayaw kitang Makita!” ang muling bulyaw ng prinsesa na tila nandidiri.
Malumanay na nagsalita ang prinsipeng pangit, Hindi ako manghihinayang sa isang tulad mo. Kung ano ang ganda ng iyong mukha ay siya naming kapangitan ng iyong ugali,” ang wika nito.
Bigla ay nagbago ang anyo ng prinsipeng pangit. Ito ay nagging isang napakakisig na lalaki, higit kay Prinsipe Algori.
Namangha ang lahat, sapagkat ang pangit na prinsipe ay ang “Diyos pala ng Kakisigan.” Bumababa ang isang kumpol ng ulap, at sumakay rito ang “Diyos na Kakisigan,” at tuluyan nang lumisan.
Nanghinayang ang lahat lalo na ang hari at reyna. Ngunit higit sa lahat, nanghnayang nang husto si Prinsesa Amapela bagay na hindi niya pinahalata.
Agad na ikinasal ng hari sina Prinsesa Amapela at Prrinssipe Algori. Ngunit matapos ang kasal, ganun na lamang ang gulat ng lahat.
Ngayong mag-aswa na tayo kailangan mong sumama sa aking kaharian, “ang wika ni Prinsipe Algori.
“Anong ibig mong sabihin?” ang nagtatakang tanong ng prinsesa.
Bigla, nabago aang anyo ni Prinsipe Algori. Ito ay naging kakaibang nilalang ng puno ng balahibo ang buong katawan. Nagsigawan at nasindak ang lahat, lalo pa’t bigla na lang nabago ang anyo ni Prinsesa A mapela. Nabalot din ito ng balahibo sa buong katawan, at nagkaroon pa ng buntot.
Hindi makapaniwala ang lahat, subalit huli na,.Dinala na si Prinsesa Amapela sa kagubatan ni Prinsipe Algori, na siya palang “Diyos ng mga hayop sagubat.” At si Prinsesa Amapela ang kauna-unahang matsing sa kagubatan. Ito ang nagging parrusa ng kanyang pagiging suplada at mapagmataas.
Kaya dapat nating tandaan na hindi natin dapat husgahan ang tao sa kanyang panlabas na anyo, dahil ang higit na mahalaga ay ang tunay na pagkatao at pag-uugali.
Alamat ng Bundok Mayon
Noong unang panahon, sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Rajah. Siya ay may anak na kaakit-akit na ang palayaw sa kanya ng mga tao sa Daragang Magayon na ang kahuluga’y “Magandang Dalaga.”
Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di mabilang na mga datu at mga ginoong tanyag ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Rajah sa kanugnog na kaharian. Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging kanya pagdating ng araw.
Mula sa malayong Katagalugan narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan, malapi sa munting ilog, nakita ang dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya’y ang binibini’y nagtampisaw sa batis. Ang binata’y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang kanyang pansin. Nagkatitigan sila at ang binata’y nginitian.
Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito’y nagsalita, “Magandang Mutya, mula ako sa malayo upang ikaw ay sadyain at Makita ang tangi mong kariktan!”
“Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang pangahas!”
“Ako’y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit ditto. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at ako’y masisiyahan na!”
Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at ito’y kagyat na idinampi sa kaliwang dibdib.
“Maaari bang kita’y makitang muli?”
At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis.
“Isang araw,” mungkahi ng lalaki, “kita’y iniibig. Tayo’y pakasal!”
“Ngunit ang Rajah? Ang aking ama?” may alinlangang paliwanag. “Dapat niyang malaman!”
“Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang kamay mo sa kanya!”
Pumayag ang Rajah. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang at nakakahalina kung kumilos. Itinakda ng Rajah ang kasal sa pagbibilog ng buwan, matapos ang anihan.
Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang kasalan. Kakaunin niya ang ama’t ina at silang tatlo ay babalik sa Albay.
Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang napabalitang pag-iisang-dibdib. Kanyang sinamantala ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya si Daragang Magayon.
Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: “Kung hindi kita makamtan, walang magkakamit sa iyo sinuman!”
Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay niya at sa kanyang ama. Siya’y sumagot, “Ako’y magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!”
Nagtumulin ang mga araw at mga lingo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Malaya. Hindi pa siya nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga’y nakaupo sa duruwangawan at naghihintay.
Nang dumating ang kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan – kainan at sayawan.
Sa gitna ng kasayahandumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang.
“Ako’y naparito upang angkinin ang aking nobya!” sabi ni Malaya.
“Hindi maaari!” tugon ni Kauen.
Nagkaroon ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malay ay subok sa espada subalit si Kauen naman ay malansi at mapaglalang.
Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo upang pumagitna at sawayin ang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya ito ngunit pataksil na sinibat ng katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig.
Nagluksa ang Rajah at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa’y ilagak na magkasama sa isang hukay.
Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay tumaas hanggang sa itoy maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis. Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay Daragang Magayon.

Alamat ng Ilog Pasig
Payapa ang gabi noon,nagningningan ang mga talasa langit. Nagsisislbing ilaw ang liwanag sa buwan sa kapaligiran. Isang binata’t dalaga ang nagpapalamig sa simoy ng hangin sa gabi. Nagawian na nilang mamangka tuwing kabilugan ng buwan. Napagkasyahan ng magkasintahan na mamangka sa ilog. Dayuhang Kastila ang nasabing binata at mayuming dalagang Pilipina ang isa. Magiliw na nanonood sa kumikinang na tala ang dalaga habang sumasagwan ang binata.
Masayang nagkukwentuhan ang dalawa sa gitna ng gabi na pumalaot sa ilog. Ngunit may napansin ang dalaga. Sa gitna ng dilim ay may magandang bulaklak ang nakita ang dalaga na nakalutang sa tubig. Agad niya itong inabot. Subalit sa pag-bot niyang iyon, ang bangkang kanilang sinasakyan ay nawala sa balance at nahulog ang binata. Sa di inaasahan, ang binata ay hindi marunong lumangoy. Sa bawat paglutang ng binata mula sa pagkalubog , tinatawag niya si Paz na tulungan siyang makaahon.
“Paz sigueme! Paz, sigueme!” Ang salitang ito ay Kastila na ang ibig sabihin ay sagipin mo ako. Sa kasawiang palad, hindi natulungan ng dalaga ang binata. Ang huling salitang nabanggit ng binata ay “Paz sig!” Hindi na muling lumutang ang binata at tuluyan na itong nalunod. Dahil sa pangyayaring ito ang ilog ay tinawag nang “Pasig” o Ilog Pasig.
Alamat ng Mindanao
Mayroon isang Sultan sa isang pulo na kilala hindi lamang dahil siya ay isang dugong bughaw, kundi dahil rin sa kanyang katangian. Di lamang siya mayaman, si Sultan Gutang ay matapang, magandang lalaki at may matipunong pangangatawan. Si Sultan ay may natatanging anak, bukod sa isang prinsesa , nakakaakit ang kanyang kagandahan. Saan ka man maparoon, usap-usapan ang kagandahang niyang taglay. Prinsesa Minda ang ngalan niya. Dahil sa tanyag na kagandahan ni Minda, maraming tagahanga ito saan dako ng karatig pook. Marami ang nanliligaw: mga mayayaman, matalino, at may dugo ring maharlika. Dahil nga sa dami ng masugid na tagahanga nito, walang tulak siyangkabigin. Kaya minarapat ni Sultan Gutang na magkaroon ng isang pagsubok upang malaman kung sino ang higit na mapalad at karapat-dapat sa kanyang anak na si Prinsesa Minda.
Nangyari nga ang ibig ng Sultan. Marami ang sumubok sa layuning makuha ang kamay ni Minda. Halos lahat ng sumubok at nagwagi sa una at ikalawang pagsubok, ngunit nabigo sa ikatlo. Ngunit may isang prinsipe ang nagaasm-asam na sumubok sa mga patakaran ng nasabing sultan. Ngunit, bago siya sumali sa palahok, matinding pag-iisip ang kanyang ginugol. Dahil sa una ay sigurado siyang magtatagumpay, ang ikalawa ay sigurado siyang mabibigo. Kaya’t muling nag-iisip . Napagpasyahan niyang humiram ng mga kaing-kaing na ang mga ginto mula sa kanyang mga kaibigang mayayaman at prinsipe upang makabuo ng labintatlong tiklis ng ginto. Dahil ang ikalawang pagsubok ay kung paano mahihigitan ang kayamanan ng Sultan.
Lalong nabuhayan ng loob ang prinsipe sa mga pagkakataon na kapag nagkakatinginan sila ng prinsesa ay para na ri siyang humahanga sa kanya. Dahil di kaila ang kagandahang lalaki ng prinsipe at kakisigan. Nabatid ng prinsipe na may pagtingin din ang prinsesa.
Sinimulan n a ang unang pagsubok kay Prinsipe Lanao sa pagsasalaysay niya sa kanyang mga ninuno mula sa umpisa hanggang sa sampung henerasyon. Higit ang tuwa niya ng makapasa sa unang pagsubok sa dahilang hindi totoo ang ika-sampung henerasyon dahil ito ay may halong imbento lamang.
Agad sumunod ang ikalawang pagsubok. Tinanong ng Sultan kung gaano karami ang kanyang dalang ginto. Agad siyang sumagot na labintatlong kaing. Walang duda ang tagumpay ni Prinsipe Lanao sa ikalawang pagsubok dahil may pito lamang tiklis nag into mayroon ang Sultan.
Ang hulong pagsubok ay agad din pinabatid sa Prinsipe kung ano ang dapat na sumunod niayang gagawin pang ganap nang mapasakamay ang mayuming si Prinsesa Minda. Pagtulay sa lubid ang ikatlong pagsubok. Pagtulay sa lubid na kapag ikaw ay nahulog sa isang malalim na bangin ay sigurado ang iyong kamatayan .
Pinagpabukas pa ang huling pagsubok upang makapagpahinga ang binata. Subali’t lingid sa kaalaman ng binata na kaya pala ipinagpabukas pa ay upang mapaghandaan din ng Sultan ang gagawing patibong upang ang Prinsipe ay hindi magtagumpay. Kaagad na lumisan si Prinsipe Lanao upang makapagpahinga at mapag-aralan ang kanyang plano para sa darating na pagsubok kinabukasan.
Subali’t si Prinsesa Minda ay may nabalitaan na may patibong na ilalagay ang mga tauhan ng Sultan upang mahulog ang Prinsipe.Agad na pinasiyast ni Prinsesa Minda kung ano ang ilalagay na patibong. Napag-alaman ng katulong na kakabitan ng tali an gang lubid na tatawiran ng Pinsipe na siyang magiging dahilan ng pag-uga ng lubid na magiging dahilan ng pagkahulog ng Prinsipe.
Dahil sa nabatid na patibong, kaagad na tinanggal ng mga katulong ang patibong upang walang maging balakid sa pagtawid ng butihing Prinsipe. Pagdating kinaumagahan ay naganap ang pagsubok na siya namng pinagtagumpayan ng Prinsipe. Walang nagawa ang Sultan kundi tuparin ang pangakong kasalan. Nang mamana ng Prinsipe, ang pamamahala ng lugar, marami ang nasiyahan sa pamamalakad ng mag-asawa sa pulo at mula noon pinangalanan ang isla ng Mindanao na hango sa pangalang Minda at Lanao.
Alamat ng Sampaguita
Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.
Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.
Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita — walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya’t kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.
Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.
“Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan, ” na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka’t tunay na isang pagnanakaw.”
Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. “Sabihin niyo sa inyong datu,” ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno.”
Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.
Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.
Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo’y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.
Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.
Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.
Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. “Sumpa kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa’t sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.
Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad – Si Delfin at si Rosita. Samantala….
Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.
Alamat ng Pinya
Noong unang panahon, may isang mag-asawang nagngangalang Emilio at Marcela. Sila ay may anak na dalagang ang pangalan ay Rufina. Si Rufina ay lubhang pinalaki sa layaw ng kanyang ama kaya’t siya na lamang nagiging dahilan ng pag-aaway ng mag-asawa.
Si Rufina ay walang nais gawin kundi humarap sa salamin at mag-ayos ng mukha o kaya’y magtungo sa halamanan at magmasid ng mga bulaklak. Wala siyang hilig sa pag-aayos ng bahay, at kung siya naman ay inuutusan ng kanyang ina ito ay walang matanggap na kasiyahan sa kanyang pag-utos.
Isang araw, si Aling Sela at si Mang Milyo’y nagkasagutang mabuti tungkol kay Rufina.
“Talagang hindi ko na malaman kung paano ang gagawin ko upang maturuan ng wastong pamamahay iyang si Rufina,” ang nagagalit na wika ni Aling Sela.
“Bakit mo pinapaghihirapan ang loob mo?” ang tanong naman ni Mang Milyo. “Hindi ba’t tayo’y may mga alila? Bakit hindi sila ang utusan mo kung mayroon kang ibig ipagawa? Bakit si Rufina ang pinipilit mong gumawa ng mga bagay na dapat gawin ng mga alila?”
Si Aling Sela ay lalong nagalit.
“Paano ko nga ba matuturuan iyang anak mo ng pagkababae ay sa ikaw ang una-unang nagpapalala? Matuturuan ba iyan ng kahit na ano sa pinababayaan mong magkasungay,” ang galit nag alit na wika ni Aling Sela.
“Huwag kang magalit,” ang amo ni Mang Milyo. “Ang sinasabi ko lamang ay hindi mo dapat ipagawa kay Rufina ang mga bagay na dapat gawin ng mga alila sapagkat tayo’y bumabayad ng mga alila upang may gumawa ng mga bagay na iyan. Bakit pa tayo bumabayad ng mga alila?”
“Ang ibig mong sabihin ay wala nang dapat matutuhan ang batang iyan sapagkat tayo’y may mga alila?” ang tanong ni Aling Sela.
“Iyan nga ang ibig kong sabihin kanina pa,” ang sang-ayon ni Mang Milyo.
“At kung tayo’y wala nang kaya sa pagbabayad ng mga alila?” ang patuloy na usisa ni Aling Sela.
“A, hindi maaari iyon sapagkat tayo naman ay mayaman,” paliwanag ni Mang Milyo.
Ang sagot ni Mang Milyo ay lalong nagpagalit kay Aling Sela.
“Hindi ako nagtatakang ang anak mo ay magkasungay!” ang nanginginig na sigaw ni Aling Sela. “Ngayon lamang ako nakakita ng magulang na kamukha mo. Lumayas ka riyan!”
Upang hindi na lumala pa ang usapan, si Mang Milyo ay nanaog ng bahay. Minarapat niya ang mamasyal-masyal muna at kung malamig na ang ulo ni Aling Sela ay saka na siya babalik.
Si Aling Sela naman ay nakaisip manulsi at nang makalimutan niya ang mga pinagsasabi sa kanya ni Mang Milyo.
“Rufina!” ang tawag ni Aling Sela. “Kunin mo nga ang kahon ko ng karayom at sinulid at ako’y manunulsi.”
Si Aling Sela ay matagal na naghintay ngunit si Rufina ay hindi pumasok sa kanyang silid.
“Rufina!” ang ulit na tawag ni Aling Sela. “Bingi ka ba? Hindi mo ba ako naririnig? Kunin mo ang kahon ng karayom at sinulid at ako’y manunulsi.”
Si Rufina na noon pala ay nakaharap sa salamin ay nag-aayos ng mukha ay noon pa lamang sumagot.
“Sandali na lamang po. Matatapos na ako.”
Si Aling Sela ay nagpigil ng galit. Hindi niya ibig na lumala pa ang kanyang kagalitan.
“Ano ba? Hindi ka pa ba tapos?” ang usisa ni Aling Sela pagkaraan ng ilang sandali. “Magdala ka ng kahon ng karayom at sinulid.”
Naghintay pang muli si Aling Sela bago dumating si Rufina sa kanyang silid. At nang dumating ito ay walang dalang kahon.
“Wala po akong makitang kahon ng karayom at sinulid,” ang pahayag ni Rufina.
“Wala kang makita e naroon lamang ang kahon sa mesa mo?” ang pagtatakang wika ni Aling Sela.
“Sinabi ko nap o sa inyong wala akong makita, e,” ang pagalit na tugon ni Rufina.
“Bakit, wala ka bang mata? Wala ka na bang nakikita kundi ang isinusurot sa mata mo?” ang pagalit na ring usisa ni Aling Sela.
Si Rufina na noon ay lumabas na ng silid at patungong halamanan ay sumagot nang pasigaw:
“Opo, wala po akong nakikita kundi ang isinusurot sa mga mata ko.”
Ang galit ni Aling Sela ay hindi na napigilan. Nakita niyang si Rufina ay nasa halamanan na at nagmamasid na naman sa mga bulaklak.
“Diyos ko! Bakit hindi Mo pa po gawing reyna ng mga halaman ang anak ko at nang hindi na niya ako nilalapastangan? Bakit hindi Mo pa po siya gawing isang halamang may sandaang mata!”
Noon din ay nawala sa kinatatayuan si Rufina. Si Aling Sela na dali-daling nanaog upang magsiyasat sa nangyari ay walang nakitang bakas ng kanyang anak saan man siya bumaling. Ngunit sa kinatayuan ni Rufina ay nakita niya ang isang bagong halaman. Ang halamang iyon ay may mahahabang dahong maraming tinik at sa gitna ng mga dahon ay may bungang malaking tila may korona sa ibabaw. Anong himala! Ang bungang iyon ay ligid ng kayraming mga mata!
Alamat ng Durian
Ang ninuno ng tribo ng mga Bagobo na ngayo’y naninirahan sa kagubatan ng Mindanao ay mga sakop ni Datu Duri. Ang kahulugan ng duli ay tinik pagka’t siya ay laging nagbibigay ng ligalig sa kanyang mga kaaway.
Iilan pang taon ang nakalilipas sa kanyang pagka-Datu nang siya ay nagkaroon sa kanyang kabiyak ng isang tagapagmana ng kaharian. Ang bata’y pinangalanang Durian, na ang gusting sabihi’y munting tinik.
Nagpakita sa Datu ang Dakilang Bathala at ipinaalam sa ama na ang kanyang anak ay mabubuhay ng labingsiyam na taon lamang.
Lumakad ang mga araw. Nag-ugat sa puso ni Durian na mahalin ang sakop ng kanyang ama. Sa di-kawasa ay dumating ang malungkot na sandali. Ang sinabi ng Dakilang Lumikha ay natupad. Si Durian ay nagkasakit. Sinuman sa kaharian ay walang makapagbigay ng lunas. Ang Datu ay nalungkot at nawalan ng lakas na harapin ang katotohanan.
Hiniling ni Durian sa kanyang ama na kapag siya’y namatay ang kanyang bangkay ay doon ilibing sa ilalim ng durungawan ng kanyang ina upang maipagdasal ang kanyang kaluluwa sa lahat ng sandali. Ito ay natupad.
Sa ikasiyam na araw ay napansin sa libing ni Durian na may halamang sumisibol.
Nagtumulin ang mga taon. Lumago ang halaman, yumabong ang sanga hanggang sa ito’y namulaklak at namunga.
Isang araw, tinikman ni Datu Duri ang isang hinog na bunga. Nagsisunod ang mga kawal sa palasyo pati ng mga nasasakupan. Nakita nilang ang balat ng bunga ay manipis at maliit ang buto. Ang laman ay malasutla at matamis. Naniwala ang mga taong ito’y ibinigay ni Bathala bilang isang alaalang tagapagpagunita hinggil kay Durian noong nabubuhay pa siya.
Si Datu Duri ay matandang-matanda na. Isang taksil ang naggulo sa mga alipin upang pag-imbutan ang kanyang kapangyarihan at kayamanan. Ito’y si Sangkalan. Sa huli’y siya ang naging datu. Kanyang dinigma at pinasuko pati ang mga Bilaan at Manobos.
Napag-alaman ng Dakilang Bathala ang kasakiman ni Sangkalan. Kanya itong pinarusahan. Pinawalan ang kidlat at kulog. Nakatutulig na putok ang narinig pagkatapos ng ilang saglit may nakitang mahiwagang liwanag na nakabalot sa punong-kahoy na nakatayo sa libingan ni Durian.
Siniyasat ni Sangkalan at ng mga tao ang puno. Ang mga bunga ay nagkaroon ng malaki at maraming tinik na katulad ng rimas. Nagalit si Sangkalan at isinumpa ang Diyos. Pinagpalaluan ang Kanyang karunungan.
Noon di’y nangalaglag ang lahat ng mga bunga ng punong-kahoy at natabunan ang katawan ni Sangkalan. Nadurog ang kanyang bungo at nalamog ang buong katawan. Noon di’y itinanghal na bangkay si Sangkalan. Ang mga tao ay nasiyahan sa nangyari.
Nang buksan ng mga tao ang ilang bunga ng punong-kahoy, kanilang nakitang ang balat ay makapal at ang buto ay malaki, ngunit ang laman nama’y matamis. Nakatawag ng pansin ang masama nitong amoy.
Iyan ang kauna-unahang puno ng Durian.
 
Ang Alamat ng Makahiya

     Noong unang panahon ay may mayamang mag-asawa, sina Mang Dondong at Aling Iska.  Mayroon silang labindalawang taong gulang na anak na babae na nagngangalang Maria.  Mahal na mahal nila ang kanilang anak.
Si Maria ay responsible at masuring anak.  Siya ay masipag at mabait, dahil dito ay gusto siya ng lahat.

    Ngunit ang pagkamahiyain ay isa sa natatanging katangian ni Maria.  Dahil sa mahiyain ay ilang sya sa pakikipag-usap sa mga tao.  Para maiwasan niya ang makita o makisalamuhan sa mga tao, ay palagi niyang kinukulong ang sarili niya sa kanyang silid.
Mayroong hardin ng mga bulaklak si Maria.  Ang mga bulaklak ay magaganda at alam ito ng buong bayan.  Matiyaga at magiliw niyang inaalagaan ang kanyang mga halaman.  Sapagkat dito siya nakakakita ng kaligayahan.

     Isang araw, ay kumalat ang balita na isang grupo ng mga bandido ang sumalakay sa kalapit bayan.  Pinapatay ng mga bandido ang mga tao at tinatangay ang salapi ng mga residente.
Kinabukan, ang mga bandido ay dumating kung saan naninirahan si Mang Dondong at Aling Iska at ang anak na si Maria.  Nakita ni Mang Dondong na parating ang mga bandido, nagdesisyon siya na itago si Maria sa hardin para sa kaliktasan nito.
Nagtago si Aling Iska sa kanilang bahay, nanginginig sa takot habang naririnig niyang pilit binubuksan ng mga bandido ang kanilang tarangkahan.  Siya ay nagsambit ng panalangin para sa paghahanda kung ano man ang maaaring mangyari.

“Aking Panginoon!” panalangin ni Aling Iska.  “Iligtas nyo po ang aking anak.”
Biglang nabuksan ang pinto.  Pumasok ang mga bandido sa bahay at pinalo sa ulo si Mang Dondong.  Nawalan ng malay si Mang Dondong at bumagsak sa lapag.  Sinubukan na tumakas ni Aling Iska pero pinalo rin siya sa ulo.

Ginalugad ng mga bandido ang buong bahay.  Matapos kuning lahat ang salapi at alahas, hinanap nila si Maria.  Pero di nila nakita ito.  Umalis na ang mga bandido para nakawan ang ibang pang bayan.

Nang matauhan na ang mag-asawa ay nakaalis na ang mga bandido.  Nagmadali silang pumunta sa hardin para hanapin si Maria.  Pero wala doon si Maria.  Muli, ay hinanap nila ang kanilang anak sa lahat ng sulok ng hardin pero wala doon ang kawawang si Maria.
“Ang anak ko! Tinangay nila ang anak ko!” iyak ni Aling Iska
Biglang-bigla ay naramdaman ni Mang Dondong na may tumusok sa kanyang mga paa.  Nagulat siya dahil may nakita siyang isang maliit na halaman na mabilis na tumitiklop ang mga dahon nito.  Ito ang unang beses na makakita ng ganitong uri ng halaman.  Siya ay lumuhod at tinitigang mabuti ang halaman, ganon din ang ginawa ni Aling Iska.  Pagkatapos ng matagal na panahon na tinitigan ang halaman, ang mag-asawa ay naniwalang ang halaman iyong ay si Maria.  Ginawang halaman ng Panginoon si Maria para mailigtas sa mga bandido.
Hindi mapigilan di mapaiyak si Aling Iska at Mang Dondong, ang bawat luha na pumapatak sa halaman ay nagiging isang maliit, bilog na kulay rosas na bulaklak.

Magmula noon ay inalagaan nila ng mabuti ang halaman.  Naniniwala sila at alam nila na ang halaman ay ang anak nilang si Maria.  Katulad ng kanilang anak, ang halaman ay mahiyain din.  Dahil dito ay tinawag nila itong “makahiya”, dahil nagtataglay ito ng katangian ni Maria – pagkamahiyain – at tinawag na nga itong “makahiya”.
  Alamat Ng Pandekoko
Nung unang panahon, wala pang pandekoko. Monay lang ang meron.
Pero may isang panadero na ang pangalan ay Koko.
Namatay si Koko dahil sa alak. At sa pinaglibingan sa kanya ay may isang sako ng tinapay ang natagpuan. "Wow! Ang sarap ng tinapay na to! At may matamis na palaman sa loob" sabi ng taumbayan. "At dahil ang nakalibing dyan ay si Koko, tatawagin natin yan na Kokojam.
..alamat pala 'to ng kokojam....Sori...

ALAMAT NG MACOPA
Noong mga unang taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sinasabing tahimik at maligayang namumuhay ang mga tao sa isang nayon sa Kailokohan. Madaling naihasik ng mga Kastila ang Kritiyanismo sa nayong yaon sapagkat ang mga mamamayan at mababait at masunurin. Kilala rin sila sa kasipagan at pagkamadasalin.

Ganyan na lamang ang pagmamahal at pag-iingat ng mga tao roon sa gintong kampana sapagkat nananalig silang sa kampanang yaon nakasalalay ang takbo ng kanilang pamumuhay. Nagsisilbi yaong inspirasyon nila sa buhay. Lalo silang nagsisikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Ang kampanang ginto ay naging sagrado at napakahalaga sa mga mamamayan, naging laging usap-usapan hanggang mabalitaan ng masasamang loob sa isang malayong pook. Nais din nila ang kasaganaan, kaya't hinangad nilang mapasakanila ang kampana. Lihim silang bumalangkas ng kaparaanan. Nalaman nilang sa itaas ng simbahan nakalagay ang kampana. Isang gabing madilim ay nagsipaghanda sila at sandatahang tinungo ang pook ng simbahan. Mangyari na ang mangyari, pilit nilang kukunin ang kampana.
Sa kabutihang-palad, may nakapagbalita naman sa mga pari sa napipintong panloloob sa simbahan. Nalaman nilang ang kampana ay nanakawin kaya't buong ingat nila iton ibinaba at lihim na ibinaon. Ipagsasanggalang nila ito anuman ang kanilang sapitin!
Nang dumating ang masasamang loob ay hindi na nila nakita ang kampanang ginto. Laking galit nila! Dahil sa pagkabigo, pinagpapatay nilang lahat ang nasa simbahan sapagkat ayaw magtapat sa kinaroroonan ng kampana.
Anong lungkot sa taong bayan kinabukasan! Patay lahat ang mga tao sa simbahan - ang mga pari, sakristan at ilang mga tauhan ! Wala ang kampana at walang nakakaalam kung saan ito naroroon.
Inasikaso ng taong bayan ang mga bangkay ng nasawi at inilibing ang mga iyon nang buong dangal.
Mula noon, ang tagingting ng kampana ay hindi na narinig sa nayong naturan. Nalungkot na ang mga tao at nawalan na sila ng sigla at pag-asa. Tinamad na rin sila at natuyo ang kanilang pananim. Umunti na ng umunti ang kanilang ani at mga alagang hayop.
Lumipas ang maraming taon at ang tungkol sa kampana ay nalimot na ng mga tao. Nangamatay na ang matatandang nakakaalam sa kasaysayan ng kampanang ginto at ang mga kabataan nama'y wala nang nalalaman tungkol doon.
Sa loob ng bakuran ng simbahan ay may tumubong isang punong di pa kilala ng mga tao. Ito'y nagbunga ng hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan, ang mga bunga'y sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.
"Parang kopa!" ang sabi ng ilan.
"Maraming kopa!" ang bulalas naman ng marami.
Simula noon, kung tawagin ng mga tao ang pook simbahan ay sinasabing, :Doon sa maraming kopa, doon sa makopa."
Nang matagalan, ang puno ay nakilala na sa tawag na makopa.

ALAMAT NG LANSONES
Tumunog ang kampana sa munting Kapilya ng isang nayon sa bayan ng Paete, lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel at masuyong ginising ang nahihimbing na kabiyak. "Gising na Edna, at tayo'y mahuhuli sa misa." Marahang nagmulat ng mga mata ang babae, kumurap-kurap at nang mabalingan ng tingin ang asawa ay napangiti.
Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang magsimba sa misang minsan sa isang buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura paroko ng bayan. Hindi nagtagal at ang mag-asawa ay kasama na sa pulutong ng mga taga-nayong patungo sa Kapilya. Magkatabing lumuhod sa isang sulok ang magkabiyak at taimtim na nananalangin. "Diyos ko," and marahang panalangin ni Edna, "Patnubayan mo po kami sa aming pamumuhay, nawa's huwag magbago ang pagmamahal sa akin ni Manuel." Si Manuel naman ay taimtim ding dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam niyang nagtataglay sa sinapupunan ng unang binhi ng kanilang pag-iibigan.
Nang matapos ang misa ay magiliw na inakay ni Manuel ang kabiyak at sila'y lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa kanilang marahang paglalakad ay biglang napahinto si Edna.
"Naku! kay gandang mga bunga niyon," ang wika kay Manuel sabay turo sa puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga. "Gusto ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang halos matulo ang laway sa pananabik. Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya malaman ang gagawin. Alam niyang ang lansones ay lason at Hindi maaring kainin ngunit batid din naman niyang nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa pagkaing hinihiling. Sa pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni Edna at muling sumamong ikuha siya ng mga bunga ng lansones.
"Iyan ay lason kaya't hindi ko maibibigay sa iyo." Pagkarinig ni Edna sa wika ng asawa ay pumatak ang luha. Sunod-sunod na hikbi ang pumulas sa kanyang mga labi. Parang ginugutay ang dibdib ni Manuel sa malaking habag sa asawa ngunit tinigasan niya ang kanyang loob.
Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa at marahang nangusap. "Huwag na iyan ang hilingin mo, alam mo namang iya'y lason. Hayaan mo at pagdating natin sa bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga manggang manibalang."
Walang imikan nilang tinalunton ang landas patungo sa kanilang tahanan. Ang maaliwalas na langit ng kanilang pag-iibigan ay biglang sinaputan ng ulap. Ni hindi sinulyapan ni Edna ang mga manggang manibalang na pitas ni Manuel sa kanilang duluhan. Ang babae'y laging nagkukulong sa silid, ayaw tumikim man lamang ng pagkain at ayaw tapunan ng tingin ang pinagtatampuhang asawa.
Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa banig ng karamdaman. Hindi malaman ni Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na kalagayan ng asawa."Edna, ano ba ang dinaramdam mo?" lipos na pag-aalalang wika ni Manuel habang buong pagsuyong hinahaplos ang noo ng maysakit.
Marahang iling lamang ang itinugon ng nakaratay at dalawang butil ng luha ang nag-uunahang gumulong sa pisngi. Balisang nagpalakad-lakad si Manuel sa tabi ng maysakit. Hindi niya matagalang tignan ang payat na kaanyuan ngayon na kaibang-kakaiba sa dating Ednang sinuyo niya't minahal. Wala na ngayon ang namumurok na pisngi, ang dating mapupungay na mga mata'y malalamlam, wala na ang ningning ng kaligayahan, maputla ang dati'y mapupulang mga labi at mistulang larawan ng kamatayan.
Nang hindi na niya makaya ang damdaming lumulukob sa kanyang pagkatao ay mabilis na nagpasiya. Kukunin niya ang mga bunga ng lansones. Ang bunga ng kamatayang pinakamimithi ng kanyang asawa. Sa wakas ay isinuko rin niya ang katigasan ng kanyang loob, dahil sa matinding abag sa kabiyak.
Nanaog siya at tinungo ang puno ng lansones. Nanginginig ang kamay na pinitas ang isang kumpol ng bunga ng kamatayan.
"Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya'y mawawala pa sa aking piling," nangangatagal ang mga labing marahan niyang naiusal kasabay ng mariing pagpikit ng mga mata. Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa pagkagunitang ang bungang iyon ang tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan.
Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y nabigla. Anong laking himala! May nabuong liwanag sa kanyang harapan at gayon na lamang ang kanyang panggigilalas noong iyon ay maging isang napakagandang babaing binusilak sa kaputian. Humalimuyak ang bangong sa tanang buhay niya ay noon lamang niyang masamyo. Sa tinig na waring isang anghel ay marahang nangungusap ang babae. "Anak ko, kainin mo ang bungang iyong hawak."
Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat alam niyang ang bungang iyon ay lason. Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay muling nangusap ang babaeng nakaputi. "Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak." Pagkasabi noo'y kumuha ng isang bunga sa hawak na kumpol ni Manuel at ito'y marahang pinisil.
Mawala ang takot ni Manuel at mabilis na tinalupan ang isang bunga ng lansones. Anong sarap at anong tamis! Nang ibaling niya ang paningin sa babaeng nakaputi ay nawala na ito. Biglang naglaho at saan man niya igala ang kanyang mata ay hindi makita. "Salamat po, Diyos ko!" ang nabikas ni Manuel. Biglang sumigla ang katawanni Manuel at hindi magkandatutong pinitas ang lahat ng mga bungang makakaya niyang dalhin at nagdudumaling umuwi sa naghihintay na asawa
Alamat ng Bundok Pinatubo
Masagana ang Kahariang Masinlok. Magandang maganda noon ang umaga. Maningning ang sikat ng araw .Sariwa ang hanging amihan. Lunti ang mga halaman sapaligid. Masigla ang awit ng mga ibon. Bughaw ang kabundukan. Subalit ang kagandahan ng umaga ay hindi nakasiya sa Datu.Wala siyang madamang kaligayahan sa lahat ng namamalas.
Malungkot na nakapanungaw ang Datu.Nakatuon ang ma paningin sa sa bughaw na kabundukan. Nakakunot ang noo at tikom ang mga labi. Nagbuntong-hininga nang malalim.
“Malungkot na naman kayo, mahal na Datu,” narinig niya sa may likuran. Bumaling ang Datu. Nagtanong ang mga mata ni Tandang Limay. Isa ito sa bumubuo sa “Konseho ng Matanda.”
“Ikaw pala. Nalulungkot nga ako, Tandang Limay. Naalaala ko ang aking kabataan,” at nagbuntung-hininga muli. Humawak siya sa palababahan ng bintana.
“Nakita mo ba ang bundok na iyon?” nagtaas ng paningin ang Datu.
“Oo, aking Datu, ngunit ano ang kinalaman niyon sa inyong kalungkutan?” tanong ni Tandang Limay. Napag-usapan na ng “Matatanda” ang napapansin nilang pagkamalungkutin ng Datu. Siya nga ang naatasang magsiyasat tungkol dito.
“Doon ako sa mga bundok na iyon laging nangangaso. Natatandaan mo marahil na malimit akong mag-uwi ng baboy-ramo at usa sa aking ama at mahal ko sa buhay.”
“Opo, Kayo mahal na Datu ang kinikilalang pinakamagaling sa pana noon. Napabantog sa ibang kaharian ang inyong katangian sa pangangaso,” sang-ayon ni Tandang Limay.
“Iyan ang suliranin ko ngayon. Para bang gusting-gusto kong magawa uli ang mga bagay na iyon, ngunit napakatanda ko na upang pagbalikan ang kabundukang iyon. Napakalayo na ang mga pook na iyon para sa mahina kong katawan,” at muling nagbuntung-hininga ang Datu.
“Hindi na nga ninyo makakayanan ang maglakbay nang malayo. Ngunit maaari naman kayong magkaroon ng ibang libangan,” pasimula ni Tandang Limay.
“Bahagi na ng aking buhay ang pangangaso. Hindi na rin ako makadarama ng kasiyahan kung iba ang aking magiging aliwan,” malungkot na umiling ang Datu.
Naging usap-usapan sa buong kaharian ang suliranin ng Datu. Nabalita rin sa ilang bayan ang pagkamalungkutin ng pinuno ng Masinlok.
Makalipas ang ilang araw, dumating sa palasyo ang isang salamangkero. Matanda na siya at mabalasik ang mukha. Malaki ang paghahangad niya sa kamay ni Prinsesa Alindaya, prinsesa ng Masinlok ngunit malaki rin ang pag-ayaw nito sa kanya.
Nagbigay ng kaukulang paggalang ang panauhin.
May magandang panukala ako tungkol sa inyong suliranin kung inyong mamarapatin, mahal na Datu,” saad ng salamangkero.
“Sabihin mo at handa akong magbayad sa inyong kapaguran,” turing ng Datu.
“Magpapatubo ako ng isang bundok sa kapatagan ng Masinlok na malapit sa inyong palasyo para sa inyong pangangaso ipakasal lamang ninyo sa akin si Prinsesa Alindaya,” pahayag ng panauhin.
“Kung matutupad mo ang iyong sinabi ay ibibigay ko sa iyo ang kamay ng aking anak,” mabilis na pasiya ng Datu.
Madaling kumuha ng isang maliit na batumbuhay ang salamangkero. Ito’y parang isang batong mutya. Itinanim niya itong tila isang binhin ng halaman. Biglang-biglang sumipot sa pinagtamnan ang isang maliit na puno. Tumaas nang tumaas iyon. Lumaki nang lumaki hanggang sa maging isang bundok.
“Aba, anong laking bundok! Di ba iyan tumubo sa itinanim na batong mutya ng salamangkero?” paksa ng usapan ng mga tao.
Samantala sa palasyo, iniluhang gayon na lamang ni Prinsesa Alindaya ang naging pasiya ng ama. Ipinagdamdam niya nang labis na tila siya ay kalakal na ipinagpalit lamang sa isang bundok. At sa lalaki pa naming kanyang kinamumuhian. Laging lumuluha ang magandang prinsesa. Nagkaroon siya ng karamdaman. Naging malubha ang kanyang sakit. Dumating ang araw na itinakda ng Datu sa pagkuha sa kanya ng salamangkero.
“Ikinalulungkot ko na hindi ko mapasasama sa iyo ang aking anak. May sakit ang mahal na prinsesa. Magbalik ka sa ibang araw,” saad ng Datu sa salamangkero.
Umuwing masamang-masama ang loob ng matanda. Galit nag alit siya sa Datu. Sinapantaha niyang gusto na nitong sumira sa usapan. Nagulong gayon na lamang ang kanyang loob. Lagi niyang naiisip si Prinsesa Alindaya at ang kanyang kabiguan. Hindi niya napansing palaki nang palaki ang bundok. Ito’y kanyang nakaligtaan.
“Mahal na Datu, halos natatakpan na po ng bundok ang buong kapatagan. Malapit na pong humangga ang bundok sa tabing-dagat. Wala na pong matitirhan ang mga tao,” sumbong ng matatanda sa Datu.
“Hulihin ngayon din ang salamangkero. Putulan siya ng ulo. Lubhang nakapipinsala sa kaharian ang bundok na pinatubo niya,” mabalasik na utos ng hari. Natakot siya sa maaring mangyari sa kaharian.
Namatay ang salamangkero ngunit patuloy pa rin sa paglaki ang bundok. Araw-araw ay pataas ito nang pataas na lalong ikinabahala ng mga tao. Walang maisipang gawin ang Datu. Palubha nang palubha ang suliranin.
Nakaabot ang balita hanggang sa malalayong kaharian. Nakarating iyon sa pandinig ni Prinsipe Malakas ng Pangasinan. Balita siya sa taglay na lakas at kabutihang loob. Agad siyang naglakbay patungong Masinlok. Humarap sa Datu ang matikas na prinsipe.
“Nakalaan sa inyo ang aking paglilikod, mahal na Datu,” magalang na badya niya.
“Nakalaan akong magbigay ng kaukulang gantimpala. Humiling ka kahit anong bagay kapag nagtagumpay ka. Lunasan mo ang suliranin ng kaharian, Prinsipe ng Pangasinan,” pahayag ng Datu.
“Wala po akong hinihintay na gantimpala, aking Datu. Tayo na sa labas.”
Si Alindaya na noo’y magaling na ay naganyak sa tinig ng panauhin. Sumilip siya sa siwang ng pintuan. Malakas na malakas ang pitlag ng puso ng dalaga.
Nanaog ang Datu pati ang prinsipe. Madali nilang sinapit ang paanan ng bundok.
Sa isang kisapmata, binunot ng prinsipe ang bundok. Parang pagbunot lamang ng isang maliit na punong-kahoy. At sa isang iglap din, ipinatong niya iyon sa kanyang likod na walang iniwan sa pagbalikat ng tinudlang baboy-ramo. Mabilis din siyang humakbang na papalayo at ihinagis ang bundok sa lugal na kinaroroonan nito ngayon.
Bumalik ang prinsipe at ang Datu sa palasyo sa gitna ng pagbubunying mga tao. Galak na galak ang kaharian. Pagdating sa palasyo, niyakap ng Datu ang prinsipe. Iniutos niya ang malaking pagdiriwang para sa karangalan ng prinsipe noon ding gabing iyon.
Gabi ng kasiyahan, nagsasayaw noon ang prinsesa pagkat nahilingan ng amang Datu. Walang alis ang tingin ng prinsipe sa magandang mananayaw. Nabatubalani siya ng magandang prinsesa. Walang humpay ang palakpak ng prinsipe matapos ang pagsasayaw nito.
Kiming umupo ang prinsesa sa tabi ng Datu. Siya’y tahimik na nakatungo.
“Ang aking anak, si Prinsesa Alindaya, mahal na prinsipe, nakangiting pagpapakilala ng Datu. Yumukod ang prinsipe at ang prinsesa nama’y nag-ukol ng matamis na ngiti.
Walang alis ang paningin ni Prinsipe Malakas sa dalaga. Hindi matagalan ng prinsesa ang kabigha-bighaning titig ng prinsipe.
“May sasabihin ka, Prinsipe Malakas?” tanong ng hari upang basagin ang katahimikan.
“Hinihingi ko ang inyong pahintulot na makausap ko ang mahal na prinsesa, mahal na Datu,” ang hiling ng prinsipe.
“Higit pa sa riyan ang maibibigay ko,” sang-ayon ng Datu.
Hindi nagtagal at nasaksihan sa Masinlok ang marangyang kasal nina Prinsesa Alindaya at Prinsipe ng Pangasinan. Nagsaya ang kaharian sa loob ng anim na araw.
Samantala, ang guwang na nilikha ng pagkabunot sa bundok ay napuno ng tubig ito’y naging isang lawa.
Naging maganda at matulain ang lawang ito na tinawag ng mga tao na “Lawa ni Alindaya” sapagkat nagpapagunita ng kagandahan ng prinsesa at ng pag-ibig niyang siyang dahilan ng pagkakaron ng Bundok na Pinatubo.
Alamat ng Kamatsile
Sa isang gubat na madawag, may tumubong puno ng kamatsile na may malaganap na mga sanga. Sa tabi nito’y may nagsitubong iba’t ibang mga punong may magagada’t mababangong bulaklak na nakakahalina sa mga naglalakbay. Ang kamatsile lamang ang tanging walang bulaklak na maipagmalaki, nguni’t maganda naman ang pagkakahubog ng kanyang malalago at malalabay na mga sanga. Subali’t di man ito makatawag-pansin sa mga manlalakbay at di man siya tapunan ng bahagyang tanaw at ito ang ipinagmimighating malabis ng abang puno ng kamatsile.
Isang araw, malakas na naibulalas ng kamatsile ang kanyang hinanakit. “Naku! Anong pagkalungkot-lungkot na buhay itong akin. Kung ako ba’y nagtataglay ng bulaklak na katulad ng mga katabi kong puno, sana’y makagagayuma rin ako sa mga taong dito’y nagsisipagdaan.”
Ang ganyan niyang himutok ay umabot sa pagdinig ng cadena de amor na gumagapang sa kanyang paanan. Kaya’t ang daing ng kamatsile ay kanyang sinagot. “Madaling lutasin iyan, kung nais mong magkaroon ng bulaklak na kaakit-akit ay tulutanmong ako’y mangunyapit sa iyong mga sanga.”
Ang kamatsile ay sumang-ayon sa magandang mungkahi ng cadena de amor. Di naglipat araw at ang dating nag-iisang puno ng kamatsile ay nag-uumugong sa mga bubuyog na sa kanya’y laging nag-kukumpol-kumpol. Ang mga tao naman ay di siya iniiwan ng tingin.
Nguni’t pagkalipas ng ilang linggo ay di na makatagal sa sukal na sa kanyang sanga ay nakabalot. Kaya’t sa cadena de amor, siya’y di makatiis na di magpahayag ng kanyang dinaramdam. “Oo ngat ako’y hinahangaan ng maraming tao, di ko naman malanghap ngayon ang mabangong simoy ng hangin, di ko man lamang masilayan ang mga baging na iyong ibinalabal sa akin.
“Subali’t ano mang pagsusumamo ng abang puno ng kamatsile ay nawalan ng saysay sa lubos na nasisiyahang cadena de amor. Nguni’t sa malaking habag ng Maykapal ay pinagkalooban din siya ng pananggalang sa cadena de amor. Ang tinik na magpahanggang sa ngayon ay nagmamalasakit sa kanya.
Alamat ng Tandang
Si Sidapa na Bathala ng Digmaan ay lagi nang nilalapitan ng mga datu upang mapanatili ang kapayapaan sa kanilang barangay. Alam ni Sidapa na nasa pakikipagkaibigan ng mga pinuno ang susi upang hindi matuloy ang alinmang digmaan.
Sumisikat pa lang ang araw ay nakapila na ang maraming puno ng barangay. Si Sidapa ang nagpapayo upang mapanatili ang kapayapaan sa kani-kanilang lugar.
May mga pagkakataong hindi kaagad nakakasangguni ang mga datu. Nagkakalaban ang mga puno. Kapag nangyari ito, nauuwi sa digmaan ang mga barangay.
Matutulis na sibat ang karaniwang panlaban ng mga mandirigma. Kapag may nasusugatan o namamatay sa labanan, lubos na nalulungkot si Sidapa.
Kapag napagkakasundo ni Sidapa ang nagkakahidwaang mga raha ay natutuwa siya. Naliligayahan siyang nagbibigayan at may respeto sa isa’t isa ang bawat datu. Naniniwala si Sidapa na kapag may digmaan ay walang pag-iibigan. Na kapag may pag-iibigan ay walang digmaan. Lagi niyang pangarap na nag-uusap-usap ang lahat at naggagalangan.
Sa dami ng mga mamamayan, datu at mga barangay sa bayan-bayan, at sa dami rin ng problema na inihahain kay Sidapa, kailangang may nagpapaalala sa kanya sa tuwi-tuwina. Kailangan ding may gigising sa kanya tuwing madaling araw bilang hudyat na may mga datu nang naghahain ng problema.
Isa sa mga sundalo ni Sidapa ang nagprisintang orasan niya. Obligasyon niyang paalalahanan si Sidapa na oras na ng pagkain, o oras nang tapusin ang isang pulong, o oras nang humarap sa ilang bisita, o oras nang magbigay desisyon sa isang problema. Pinakamahirap na Gawain ng Sundalong Orasan ang paggising nang napakaaga tuwing madaling araw. Noong unang mga lingo ay laging napakaaga niyang gumising pero kapag napapakuwento siya sa mga kapwa sundalo ay bahagya siyang nahuhuli sa paggising kay Sidapa.
Mapagpasensya ang bathala niya. Lagi itong pinagbibigyan ang Sundalong Orasan. Upang ganahan sa trabaho ay dinadagdagan ni Sidapa ang mga insentibo nitong pilak, damit at pagkain para sa pamilya.
Tuwang-tuwa naman ang Sundalong Orasan pero mahina itong manindigan. Sa kaunting aya ng mga kaibigan ay natatangay siya upang uminom ng alak. Hindi lamang isa o dalawang kopita, kunidi maraming alak na nagpapalasing sa kanya.
Sa pagkalasing ay naibalita pa niya sa ilang kawal ng naglalabang tribo ang mga sikretong pandigmaang di dapat na ipaalam. Galit na galit si Sidapa. Maraming hindi pagkakaunawaan ang naganap dahil hindi siya ginising ng Sundalong Orasan sa madaling araw.
Nang matuloy ang isang madugong digmaan ng dalawang malaking barangay ay ipinatawag ni Sidapa ang Sundalong Orasan.
Lasing na lasing ang Sundalong Orasan nang humarap sa kanyang bathala.
“Ikaw ang dahilan sa madugong digmaang sana ay naiwasan.”
“Pa…patawad po, Bathalang Sidapa.”
“Pinagbibigyan na kita ng ulang ulit! Marami ang namatay dahil sa iyong kapabayaan. Wala kang utang na loob. Ang mga lihim pandirigmaan at pangkapayapaan ay ipinaalam mo sa lahat. Ang obligasyon mong gisingin ako sa madaling araw ay hindi mo pinahahalagahan. Bilang parusa , magiging isang hayop kang walang gagawin kundi gisingin ang daigdig tuwing nagmamadaling araw!”
Sa isang kisapmata ang Sundalong Orasan ay lumiit nang lumiit. Nagkabalahibo ito sa buong katawan. Naging pakpak ang mga kamay at nagkatahid ang mga paa. Sa halip na magsalita ay tumilaok itong parang nanggigising.
Sa sobrang kahihiyan, lumipad papalabas ng tahanan ni Sidapa ang Sundalong Orasan na magmula noon ay tinatawag na Tandang. Ang Tandang na tumitilaok sa madaling araw ang nagpapaalalang siya ang unang tagagising ng sandaigdigan.
Ito ang pinagmulan ng alamat ng Tandang.
Alamat ng Hagdan-hagdang Palayan sa Ifugao
Ang guro sa Banaue ay kinakausap ng isang lider ng sitio. Ang sabi n glider, “Ipinagmamalaki ng Banaue ang kanyang alamat na bantog na nantog sa buong Bulubundukin. Ang Ifugao Rice Terraces ay ikawalong himala sa daigdig. Alam mo ba kung paano nagmula ito?” Si G. Malintong ang guro ay sumagot, “Ikinslulungkot ko hindi ko po alam. Gusto ko sanang pakinggan.”
Nagsimula ang pagkukwento an glider habang ngumunguya-nguya ng buyo. “Noong pang kaunas-unahang panahon ang mga tao sa Bulubundukin ay may mga kaya sa buhay. Dahil sa kanilang kasaganahan ay nakalimot tuloy sila sa Diyos. Si Kabunian ay nagalit kaya pinarusahan ang mga mamamayan. Umulan ng walang patid kaya nagkaroon ng malaking baha. Tumaas ng tumaas ang tubig hanggang wala nang Makita sa paligid liban sa mga Bundok ng Pulog at Anuyao. Ang lahat ng may buhay ay nangalunod. Namatay lahat ng mga tao at ang natira lamang ay si Wigan at Bugan nam,a’y sa Bundok ng Anuyao. Nais magluto ni Wigansubali’t walang apoy. Kanyang natanaw na may liwanag na nagmumula sa bundok ng Anuyao. Kahit di pa gasinong lumalaki ang baha, kanyang nilangoy ang bundok. Siya’y tinanggap ni Bugan ng buong kasiyahan.
Nang sumunod na araw ay humupa na ng patuluyan ang baha kaya ang dalawa ay lumusong sa bundok ng Anuyao. Spagka’t napag-alaman nila na walang natira sa kanilang tribo, nang magpatuloy ang buhay, sila’y nagsama bilang mag-asawa. Ang dalawang ito’y nag-isang dibdib, pati ang kanilang mga inaanak ay ang pangasawahan din kaya hindi nagtagal dumami ang tao.
Lumipas ang taon. Isang araw si Kabagan, isa sa mga apo ni Duntungan ay nagtanim ng palay sa banlikan. Ang dakilang Diyos ay nagpakita sa kaniya aat nagsalita, “Kilala kitang mabuting tao.Dapat gantimpalaan kita sa iyong trabaho. Kung sususndin moa ang aking mga tagubilin, kakasihan ka ng mga Diyoses.” “Anong gusto mong gawin ko, Kabunian?”
Ang Dakilang Diyos ay sumagot, “Sabihin mo sa mga tao na gumawa ng cañaoaraw at gabi ng tatlong araw na sinkad upang ako’y ipagbunyi. Kung ako’y msiyahan, uunlad ang inyong tribo.”
Ipinag-bigay alam ni Kabagan sa ulo ng tribno ang kanyang narinig. Nagsimula ang paghahanda hangagng sa matupad ang nasabing seremonya kay Kabunian. Kinabukasan, si Kabaganay nagpunta sa kanyang taniman ng palay. Samantalang nagtatrabaho, napakita uli sa kanya ni Kabunian. Siya’y nagsalita, “Mabuti anak. Ako’y nasiyahan sa inyong parangal. Makinig ka ito ang aking gantimpala. Kita’y bibigyan ng aking supling ng palay na kung tawagi’y inbagar. Kinuha ko ito sa mahiwagang batis. Itanim sa iyong tumana. Ang tumana sa lahat ng oras ay dapat puno ng tubig. Magtayo ka ng dike sa paligid ngiyong taniman. Ang malapot na putik at ang batonngbuhay na yaon,” tuloy turo sa duminding, ‘ ay kaloob ng Diyos. Hala, sundin mo ang aking tagubilin at umasa kang sa mga teres ay makikipagtagalan sa panahon.”
“Salamat po, Diyos ko,” ag sagot ni Kabagan nang buong pakumbaba. Nagsimulang magtayo ng dike si Kabagan. Kanyang itinayo ang teres ng palay na ayon sa tagubilin ng Kabunian. Nagsigaya ang mga kapitbahay ni Kabanagan. Ang lahat ay tumulad hanggang ang buong Ipugaw ay ay natalikupan ng mga teres na ngayo’y ating ipinagmalaki-hagdan-hagdang taniman ng palay na itinayo ng ating mga ninuno, isang obra maestro ng inhenyeriya.
Alamat ng Kawayan
Noong unang panahon ang puno ng Kawayan ay hindi yumuyuko. Mayabamg ito at taas-noo. Ipinagmamalaki nito ang kanyang makinis na katawan.
Berdeng-berde ang kabuuan ng Kawayan. Sariwang sariwa ang kulay nito lalo na kapag nasisikatan ng araw.
Pero mainggitin ang Kawayan. Lagi at lagging naiinis siya kung hindi pinahahalagahan. Kapag nalallulan siya ng ibang puno at halaman ay nagtatanim siya ng galit. Masama siyang mapahiya pagka’t tumatawag siya ng kaibigang handing maghiganti upang maiangat lang ang narumihan niyang pangalan. May isang pagkakataong naparaan ang ilang kabataan sa kagubatan. Nagpalinga-linga sila. Nang makitang wala man lang bunga ang kawayan, nilayuan nila ito.
Nilapitan nila ang puno ng Bayabas, at Santol. Tuwang-tuwa sila sa pamimitas ng mga bunga. Inilpag nila sa damuhan ang dilaw na dilaw na bunga ng Santol t berdeng berdeng Bayabas. Nilapitan din nila ang mga puno ng Makopa at Caimito. Namitas sila ng bunga. Matatamis at pulang-pula ang Makopa. Hinog na hinog rin ang mga Caimitong kulay lila.
Tuwang-tuwa ang mga kabataan habang ang prutas ay pinagsasaluhan. Inggit na inggit naman si Kawayan. Wala kasi siyang bunga na ipamimigay. Wala siyang silbi kung prutas ang pag-uusapan.
Sa galit ng Kawayan ay tinawag niya ang kaibigang Hangin.Pinakamalakas na ihip ang higanti ni Hangin. Nagbagsakan ang lahat ng bunga ng Santol, Bayabas. Caimito, at Makopa. Tuwang-tuwa si Kawayan.
Minsan may nagawiang magkasintahan sa kagubatan. Nagpalinga-linga ang binata. Nang makitang walang bulaklak na mapupurol sa puno ng Kawayanay nilayuan nila ito. Natuwa sila ng maulinigan ang mga halamang Rosal at Sampaguita. Dali-dalingnamupol ng bulaklak ang binata.Ang halimuyak ng Rosal at Sampaguita ay handog na napakaligaya sa dalaga. Dahilan sa mga bulaklak ang magkasintahan ay lalong pinagbigkis ng matapat na pag-iibigan.
Inis na inis naman si Kawayan. Wala siya kahit isaman na bulaklak na maiaalay. Sa pagkapahiya sa sarili tinawag niya ang kaibigang si Ulan.
Sunud-sunuran si Ulan. Upang maipaghiganti ang Kawayan, pinalakas ng Ulan ang kanyang mga patak. Nasira ang mga magagandang tangkay nila Rosal at Sampaguita. Palihim na napangiti si Kawayan.
Isang tanghaling tapat ay may dalawang matandang nahapo sa paglalakad. Upang makapagpahinga, naghanap si Lolo Guillermo at Lola Jovita ng punong may malalabay na sanga. Hindi man lang nila pinansin ang mga sanga ng Kawayan pagka’t makikitid ang mga dahon nito. Natuwa sila ng namataan ang puno ng Banaba. Talagang mapapalad ang mga dahon nito na masisilungan kung ikaw ay maiinitin ng sikat ng araw. Napansin ito ng nakasimangot na Kawayan. Nang makaalis na si Lolo Guillermo at Lola Jovita ay tinawag ni Kawayan ang mga kaibigang Tagak. Ipinaghiganti ng mga Tagak ang inggit na inggit na si Kawayan sa pamamagitan ng pagpigtal sa lahat ng dahon ng Banaba. Nakalbo ang kaawa-awang puno ng lubhang ikinagalak ni Kawayan.
Lingid sa kaalaman ni Kawayan, nakarating kay Bathala ang pagiging mainggitin ni at mapagmataas nito.Bilang parusa, ang lagging nakatingalang si Kawayan ay pinayuyuko ni Bathala kapag hinihipan ng malakas na hangin.Ang pagyuko ni Bathala ay pagbibigay halaga sa anumang biyayang handog ni Bathala ay dapat na pahalagahan. Na ang inggit ay di dapat mamugad sa puso nino man.
Iyan ang alamat ng mapagmataas na Kawayan.


0 comments

Post a Comment